Monday, November 12, 2007

A S A L - H A Y O P (blog file - 2)


Sunday, August 13, 2006


Umuusok ang ilong ko sa galit. Pero mangiyak-ngiyak pa rin ako. Naipit ako sa sitwasyon na hindi ko alam paano ko lalabasan. Bumukod ang nanay ko mga ilang taon na ang nakakalipas. Hindi sila hiwalay ng tatay ko, dahil wala namang divorce dito sa pilipinas, kaya naghiwalay na lang sila ng bahay para iwasan ang araw-araw nilang pagbabatuhan ng plato, dustpan, sibuyas at tsinelas.
Last year, dumadalas-dalas ang paguwi ng nanay ko sa bahay namin. Hindi ko alam kung bakit, kung dahil ba sa sawa na siyang kausap ang apat na kanto ng bahay niya sa ibang lugar. O baka, wala na siyang 'resources'.


Isang araw, naguwi siya ng ASO sa bahay. Askal. Pero maputi at mukhang labrador. Kaya tinanggap namin ng buong buo. Lahat ng mga kapatid kong may mga alagang langgam, ipis at butiki ay tuwang-tuwa sa pagdating ni Maxine. Isa lang siguro ang nalungkot, si Chichi ang 127,890 yrs old naming poodle na itim. "Insecure ang lolo mo" ika nga sa salitang etchos.


Lumipas ang mga araw at buwan, naging masaya naman si Maxine sa aming munting tahanan. Naging malapit siya sa kapatid kong babae na sumunod sakin. Hindi ko maaring i-discuss ang dahilan kung bakit naging bestfriends si Maxine at ang utol dito sa sapot ng worldwideweb. Unfair in her part. Di siya marunong magbasa eh. Joke.

Anyways, nung lumipat kami ng bahay nito lang January. Dyan na nagsimula ang 'harmonious relationship' ni Maxine at ng ate ko. Gabi-gabi, paguwi ng ate ko, wala siyang ibang pinapansin kundi si Maxine. Siya ang gumagastos sa lahat ng kailangan ng aso gaya ng pagpa-pa-parlor, bakuna, exercise, bitamina at kung anek anek pa. Si Maxine din, wala ng ginawa buong magdamag kundi hintayin ang paguwi ng ate ko. Ginawan pa nga ng website at Dogster ng ate ko ang pinakamagandang askal sa buong Pilipinas.


Si Maxine ang tipo ng aso na hindi nakakainis alagaan. Kahit iwan mo siya sa isang malinis na lugar, umasa ka na mananatiliing malinis ang lugar na yun pagbalik mo. Hindi siya yung asong papansin. Vanidosa pa nga yan kung ikukumpara sa tao. Kahit hindi dumaan sa matinding training, alam niya kung saan at kelan siya dudumi at ji-jingle. Sa madaling salita, matalino pa sa iba nating mga Senador na nagpapalaki lang ng puwet sa kanilang mga upuan.


Maayos ang lahat. Walang nakikialam sa buhay ni Maxine, at hindi rin kami bini-bwiset ng dyosang askal. Hanggang nung isang araw. Umaga nun, naghihihiyaw itong nanay kong napapadalas na ang uwi sa bahay namin. Umihi si Maxine sa kwarto.


Di namin alam kung dahil ba sa lamig ng panahon, sa dami ng nainum niyang tubig, o dahil sa palagi siyang pinagbabawalang lumabas kaya siya nagkalat ng lagim sa kwarto ng mga kapatid ko. Kaya ang hatol ng nanay namin. Dadalhin na lang daw niya ang kawawang aso sa Rizal. Sa bahay niya. Nang mangyari yun, kaaalis ko lng ng bahay. Papasok na ko sa trabaho. Nakatanggap lng ako ng text mula sa ate ko. Lungkot na lungkot siya at sinabi niyang bibili na daw siya ng kulungan para kay Maxine. Una kong naisip, anak ng tinapa, kung kelan pa tumanda si Maxine at naka-adapt na sa kanyang environment chaka pa lang siya ikukulong.


Bakit hindi naghimutok ang buchi ng nanay namin nung tuta pa lang siya at mala gripo kung umihi sa dati naming bahay. Pangalawa, anaknansiomai, bakit kailangan gawin malaking issue yung isa beses niyang pag-ihi sa kwarto ng kapatid ko. Bakit hindi nalang kumuha ng dyaro o basahan, punasan ang ihi, palabasin ang aso, maghugas ng kamay at bumalik sa kung anu mang ginagawa bago ang krimen. Simple. Bakit hindi ganon. Bakit kailangan bumili pa ng isang bagong kulungan na nagkakahalagang 2 libo mahigit para sa isang maliit na kasalanan.


Ang layo na sana ng narating ng dalawang libo. Napunta lang sa kulungan. Naging pacifier lng ng nanay kong madalas parang ewan mag-isip at parang bata magdesisyon. Paguwi ko galing sa trabaho, agad kong pinalabas si Maxine sa kulungan niya. Nakakaawa ang itsura, halos hindi pa natutulog at parang ginaw na ginaw. Pero anung ginawa ng nanay ko. Syempre, nagpaka-brat na naman at naging kasing talino ng mga scientist sa Discovery Channel. Pinalabas niya si Maxine ulit at binalik sa kanyang hawla dahil iihi na naman daw siya. Anung tingin niya kay Maxine, wala ng alam gawin kundi umihi ng umihi. Tao hindi ganon. Hayop rin. Sa inis ko, napagtaasan ko siya ng boses (Kids, dont try this at home) at sinabi kong "Hindi na iihi yan, kakatapos lang niya umihi! Hindi naman puro pagihi ang alam niyang gawin eh!"


Ayan, nagsimula na ang motor ng nanay ko. Hindi na lang ako nagsalita, umalis na lang ako ng bahay at nagpalamig. Di ko tuloy lubusang maisip kung sino ba talaga ang minsan hayop kung mag-isip.

No comments: